top of page

ISKOLIARIUM


Editorial Cartoon by John Paul Nacion

“I’m sure that in the end, China will be fair and the equity will be distributed.”

Yan ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng usapin sa agawan ng teritoryo ng China at Pilipinas sa South China Sea o mas kilala sa tawag na West Philippine Sea sa isang groundbreaking ceremony na kanyang dinaluhan sa Intramuros.


Mainit na usap-usapan ngayon ang tila ba pagsusunod-sunuran ng Pilipinas sa China kaugnay ng usapin sa agawan nito ng mga teritoryo. Ito ay kahit noong 2016 pa lamang ay malinaw ng naideklara ng United Nations (UN) Arbitral Tribunal na ang Pilipinas nga talaga ang nagmamay ari at may karapat sa West Philippine Sea particular na sa Kalayaan Group of Islands at ang isla ng Bajo de Masinloc na kabilang sa two hundred nautical miles na Exlusive Economic Zone ng bansa.


Sa ngayon, marami ang nagtataka kung bakit tila ba tali ang mga kamay at walang boses ang Pilipinas kahit pa napatunayan na sa International Tribunal ang karapatan ng Bansa sa mga teritoryong ito. Ang mas nakakaalarma pa ay mapa-hanggang sa ngayon ay patuloy parin ang pagtatayo ng China ng iba’t ibang inprastraktura, mga gusali at mga military bases sa South China Sea. Ang hakbang na ito ng China ay isang malinaw na indikasyon at pagpapakita nila ng kapangyarihan sa mga inaangkin nilang mga isla.


Ang mainit na tanong ngayon ay kung hanggang kelang magsusunod-sunuran ang Pilipinas sa ginagawang ito ng China. O’ sadya nga ba talagang makapangyarihan ang China na maging ang utos ng United Nations ay hindi na nila kinikilala. Ang pagbangga ng Pilipinas sa China ay isang nakapalaking desisyon na may kaakibat na iba’t ibang peligro. Tinaguriang isa sa pinakamalaki at makapangyarihang bansa sa Asya, hindi nakakapagtakang kayang kayang angkinin ng China ang mga isla sa buong South China Sea.


Kung tutuusin, maliban sa pagproprotesta sa Arbitral Tribunal ay wala ng kahit na ano pa mang laban ang Pilipinas sa bagsik at laki ng China lalong lalo na sa lakas nito kung sakali mang umabot sa punto na ang gusot at gulong ito ay mauuwi sa malaking digmaan. Hindi nakakapagtakang kung mangyari man ito ay magiging dehado ang bansa sa lahat ng aspeto liban nalang kung ito ay hihingi ng tulong sa bansang Amerika.


Ito marahil ang naging dahilan kung bakit ang Pangulo mismo ang sumusuyo at lumalapit sa China upang patatagin pa ang relasyon ng dalawang bansa. Marahil alam ng Pangulo na mas mabuting idaan nalang sa magandang usapan at pagkakaibigan ang isyung ito sa halip na daanin ito sa dahas, giyera o digmaan.


Hindi naman talaga pinapabayaan ng Pangulo ang mga inaangkin nitong mga teritorya para sa bansa, marahil para sa kaniya ang kilos na ito ay maituturing na isang ligtas na desisyon hindi lang para sa mga mamamayan sa Pilipinas kundi pati na rin sa mga mamamayan na nananalagi sa bansang China.


Kung lakas ang paguusapan talagang napakadehado ng Pilipinas kaya’t marapat lamang na tayo ay sumunod ng naaayon sa batas lokal at internasyonal at manalig na ang agawan sa teritorya ng dalawang bansa ito, China at Pilipinas, ay hindi mauwi sa isang napakalaking digmaan.


Nawa’y mas magkaroon ng komprehensibong hakbang ang pamahalaan upang hindi tuluyang maangkin ng China ang mga teritorya na dapat ay pagmamay-ari ng Pilipinas. Sana’y maging bukas din ang China at matauhan itong itigil na ang mga ginagawa nitong iligal na pagtatayo ng mga naglalakihang military bases sa South China Sea.


Sa huli, hindi dapat makalimutan ng Pangulo ang kanyang mga pangako sa mga Pilipino, na kanyang proprotektahan at iingatan hindi lang ang mga mamamayan kundi pati na rin ang kanyang mga nasasakupan.

56 views0 comments

Kinakatakutan at ayaw nang muling balikan. Iyan ang Martial Law. Ito ay nagiwan ng maitim na dungis sa kasaysayan ng Pilipinas at sa kamalayan ng mga kababayan nating Pilipino. Tila sa kasulukuyang administrasyon ay nagbabadya muling pasabugin ang ideya ng Martial Law, oras na ba? Oras na para kumilos bilang nagkakaisang Pilipino bago pa man maulit ang kakilakilabot na ala-alang ayaw na natin ibalik.



Si Duterte ay ating nakikita bilang repleksyon ni Marcos at halos walang pinagkaiba ang estado ng Pilipinas sa kamay ni Marcos, sa kasalukuyang panahon. Tila muling hinuhukay ng ating Pangulo ang ideyolohiya ng Martial Law, at alakip nito, muli ring nahuhukay ang mga bangungot na pilit ibinaon ng ating mga kababayang Pilipino sa limot. Maisasawalang bahala na lamang ba ang mga buhay na naibuwis? Masasayang lang ba ang mga dugong dumanak? Sana tayo'y mamulat na hindi Martial Law ang tanging lunas sa mga problemang ating kinakaharap.



Walang masama sa pakikipag kaibigan, lalo na kung isang Prime Minister na ng isang malaking bansa ang iyong papatulan. Kilala ang ating pangulo bilang tigasin, at may kamay na bakal na presidente. Ngunit, kapag tsina na ang kaharap, tila lumalambot ito't sumusunod na lamang sa nais mangyari ng dayuhang bansa. Sa ipinakitang larawan, dito maipapakita na kailangan ng ating bansa ng isang lider na ipagtatanggol ng buong puso kung ano ang dapat ay para sa Pilipino, kailangan natin ng lider na magiging matigas para tumayo bilang isang independent na estado.



17 views0 comments

Madalas nating marinig ang mga salitang Media at Freedom of Expression o ang malayang pagpapahayag sa panahon ngayon. Ngunit bakit nga ba tila nagiging isang mainit itong usapin sa panahon ng panunungkulan ng ating pangulo na si Pangulong Rodrigo Duterte?


Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang ginawang pag ban ni Pangulong Duterte sa isang reporter ng Rappler (Isang News at Media Website) sa Malacanang Palace na si Pia Ranada. Ang sinasabing rason sa pagbabawal na ito ay nag-ugat sa sinasabi ng Malacanang Palace na ang Rappler raw ay naghahatid ng mga baluktot at di makatotohanang mga balita patungkol sa Pangulo na siya namang taliwas sa una nitong inilabas na dahilan na ang ban daw ay dahil sa desisyon ng Securities and Exchange Commision (SEC) na bawiin ang ibinigay nitong rehistrasyon sa Rappler upang patakbuhin ang kanilang news at media website.


Ang ginawang aksiyong ito ng gobyerno ay nagbunga ng hating mga reaksyon hindi lang sa mga mamamayan kundi pati narin sa mga miyembro ng media sa ating bansa. Marami ang nagsasabi na ang desisyon ng Administrasyong Duterte ay halimbawa lamang ng tinatawag na media oppression na lumalabag hindi lang sa karapatan ng mga miyembro ng media kundi pati na rin sa karapatan ng mga ordinaryong mga mamamayan na maipahayag ang kanilang mga saloobin o ang kanilang freedom of expression.


Sa kabilang banda, maraming mga tagasuporta ang pangulo ang naniniwala na tama lang ang ginawang desisyon ng pangulo na ipagbawal and reporter na si Ranada sa Palasyo at mariin din ng mga itong ipinagtanggol ang pangulo sa kanyang naging desisyon na ika nga nila’y may sapat namang basehan.


Isa sa mga malaking katanungan ngayon ay kung layunin nga ba talaga ng Pangulo na kontrolin hindi lang ang mga balitang lumalabas sa mga pahayagan, radio at telebisyon kundi pati na rin mismo ang mga mamamahayag na naghahatid ng mga ito sa taumbayan. May sapat nga bang kapangyarihan ang gobyerno na hawakan sa leeg ang media lalong lalo na ang mga mamamahayag na tumutuligsa sa mga proyekto at desisyong ginagawa ng kasalukuyang administrasyon?


Panahon na para buksan ang ating mga mata. Ang aksyong ito ng Pamahalaan ay isa lamang halimbawa na sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan ay kayang kaya nilang manipulahin hindi lang ang mga balitang lumalabas at ating nakikita’t nababasa kundi pati narin ang mga taong nagsusulat nito. Ang pangyayaring ito ay isa lamang manipestasyon na kung ang mga malalaking media companies ay kayang hawakan at manipulahin ng administrasyon ay hindi rin nakakapagtaka na sa susunod ay ang mga ordinaryong mga mamamayan naman ang magsusunod-sunuran sa mga mali at baluktot na gawa at gawi ng kasalukuyang pamahalaan.

Nawa’y wag na nating hintayin pang dumating sa punto na tuluyan tayong mawalan ng karapatan upang maipahayag kung ano man ang ating mga saloobin at damdamin sa pamahaalan. Wag na nating hintayin pang dumating ang panahon kung saan ang ating mga tinig at boses ay tila ba hangin nalang na daraan at mawawala nalang sa kawalan. Sa halip gawin natin ang ating mga makakaya upang maipahayag at maipagtanggol ang ating mga karapatan sa pamamagitan ng atin boses at kalayaan. Lahat tayo ay may boses, lahat tayo ay may karapat, bilang mga mamamayan, lahat tayo ay may pakialam at may malaking magagawa para sa ating mahal na bayan.

16 views0 comments

CONTACT

Your details were sent successfully!

  • White Facebook Icon
  • twitter

©2018 by Iskoliarium. Proudly created with Wix.com

bottom of page