Isang araw, nagising na lang ako na wala na ang araw.
Ngunit ramdam ko ang init ng singaw ng paligid, ang hangin na dala-dala ang amoy ng sinangag ni Ka-Mely, naririnig ko ang tawanan ng mga bata, ang pag-tilaok ng mga tandang na malamang galing sa bakuran ni Ka-Erning, ang pag-pot-pot ni Ka-Mina para malaman ng lahat na may tinda siyang puto tuwing alas-otso ng umaga.
Kahapon lamang ay may araw pa, ngunit bakit ngayon—bakit hindi siya sumipot?
Paano na ang mga halaman ni itay sa kan’yang hardin at ang mga naka-sampay na damit na nakalimutan kong asikasuhin kahapong may liwanag pang tumatanglaw sa mundong ibabaw?
Hindi ako mapakali. Parang ang gulo. Hindi ko alam kung ang paligid ko ba ito, o ang isipan ko? Hindi ako mapakali. Nakarinig ako ng isang mahinhin na “Pot-pot!”, senyales na papalapit na si Ka-Mina. Hindi ako mapirmi. Parang ang gulo-gulo. Ang gulo ng paligid ko. “Pot-pot!”, mas malakas na ito kay’sa sa nauna. Hindi ako makalma. Ang gulo, sobrang gulo. “Pot-pot!”, isa pa ulit, mas malakas. Hindi ako maka-hinga. Ang gulo, ang dilim, ang bigat.
“Pot-pot!”, sigaw ng kapitalistang gahaman. Putong-ina niya kamo.
Nasaan ba ako? Bakit walang liwanag dito? Sinubukan kong tawagin ang aking mga magulang, ngunit walang sumasagot, walang sumasaklolo sa akin. Nalulunod ako sa sarili kong mga pawis at luha at wala akong makapitan dahil walang nag-papakapit.
Kinapa ko ang aking hinihigaan. Magaspang, matigas, masyadong marahas para sa aking likod. Sinubukan kong bumangon ngunit hindi ako maka-b’welo dahil sugatan ang aking kamay at ang aking paa ay para bang hindi ko mapag-hiwalay. Mabaho dito’t sobrang dumi. Hindi pang-tao ang lugar na kinalalagyan ko.
Masikip at nararamdaman kong nang-lilimahid na ang aking katawan. Mainit, nabibilad ako. Maingay, nabibingi ako. Magulo, naiiyak ako. Hindi ko mabilang kung ilang luha na ba ang pumatak mula sa aking mga matang pagod na. Para akong bulag sa sitwasyon na ito. Para akong binulag sa sitwasyon na ito.
“Pot-pot!”, mas malakas ito kaya’t mas malapit na siya dito. Ilan kaya ang may keso kumpara sa may itlog-maalat?
“Pot-pot!”, mas malakas, kaunti na lang, at may tutulong na sa akin. Ilan na kaya ang nabenta niyang puto sa buong buhay niya?
“Pot—“, tumahimik ang paligid. Hindi natapos ang ritmo ng kan’yang pag-alok. Sapat kaya ang benta niya para maitaguyod ang kan’yang pamilya?
Sumigaw si Ka-Mina. Napatingin ang lahat ng kan’yang mga kapit-bahay, pati na rin ang mga batang lumalantak ng puto’ng tinda niya. Lumapit ang iilan para tignan kung ano ang naging dahilan ng pag-sigaw ng matanda. Tahimik ang paligid, nakakabingi ito. Nanginginig, nakaturo siya malapit sa poste ng ilaw na madalas din namang pundido, kung saan may naka-handusay na bangkay na isang araw, nagising at hinanap ang araw.