"Hindi kailanman mali ang pagkilos. Ang mali ay ang piliting pumikit sa panahon ng iyong pagkamulat."
Mga rebolusyonaryo, raliyista, tibak at kung ano pa man ang tawag sakanila. Gaano mo sila kakilala? Gaano ka maalam sa pinanggagalingan ng bawat sigaw ng hinaing at boses nila? Hayaan niyo 'kong ako naman ang maging boses nilang mga boses ng masa at pahapyawan ang buhay nila sa kolektibong pagkilos. Madalas silang nababansagang mangmang at walang alam. Napapailing na lamang ako dahil hindi naman ito totoo.
Unang una, sila ay nagsasagawa ng impormatibong mga diskurso at leksyon. Sinusuring mabuti ang ugat ng mga problemang panlipunan mula sa hanay ng masa, hanay ng mga manggagawa, hanay ng gobyerno at hanay ng mga kapitalista. Ang ganitong mentalidad o tingin ng mga tao sa mga "tibak" ay marahil dulot ng:
Una, nariyan ang isang colonial, commercialized and fascist education system. Pangalawa, nariyan yung simbahan na nagpapalaganap ng mga repressive na kaisipan. Pangatlo, nandyan yung kolonyal, burgis, repressive at dekadenteng kulturang ipinalalaganap.
Itinatak na sa ating mga isipan na mali ang kalabanin ang mga nanunungkulan sa gobyerno. Pero hindi ba't mas mali ang lunukin at isantabi na lamang ang mga panggigipit at maling pamamalakad na malinaw na nakikita ng mga mata natin?
Lahat ng mga aparatus na 'yan ang lumilikha ng ganyang mga kaisipan; na isang hamon sa mga tibak at mga organizers na kumilos nang masikhay upang maturuan ang mamamayan ng tama at kritikal na pagsusuri sa lipunan. Makapagpamulat, makapagorganisa at makapagpakilos.
Sa ilang taong pakikibaka nila, utang natin ang mga karapatan at ang kalayaan na natatamasa natin ngayon. Hindi biro ang pasensya at pagmamahal sa bayan na taglay nila upang suriin ang lipunan at lumubog sa masa upang marating ang pinanggalingan ng mga problema ng ating mga kapatid na nasa laylayan. At ngayon, tangan tangan nila ang mga hinaing ng aping masa ukol sa mga isyung panlipunan na hindi pa rin nasosolusyunan mula sa iba't ibang parte ng bansa.
Isa na diyan ang pagpapalayas ng mga makasariling kapitalista at mga dayuhan sa mga kapatid nating lumad sa Mindanao. Inaangkin ng mga naghaharing uri ang mg lupang ninuno na nararapat sa mga kapatid nating lumad lamang mapunta. Ang martial law sa Mindanao, pagpapahirap sa mga magsasaka sa kanayunan at ang panggigipit at pang aabuso sa mga mangagawa nating kontraktwal pa rin hanggang ngayon. At ang kasalukuyang problema na kinakaharap ng ating bansa ngayon ay ang sunod sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin o ang inflation.
'Yang pagtaas ng inflation rate ay mahigpit na nakaugat sa tumitinding economic crisis sa isang semi-kolonyal and semi- piyudal na lipunan. Itong pagkaroon ng inflation ay dulot ng TRAIN law na malinaw na isang neoliberal na atake sa mamamayan na may layuning higit pang huthutan at ilugmok ang mamamayan para sa interes ng dayuhan at lokal na malalaking negosyante. Ang tanging paraan upang malagpasan ang tumitinding krisis na ito ay hindi ang pagtatanim, dahil yung mismong mga lupain natin, kinakamkam ng mga dayuhan at mga panginoong maylupa; minomonopolisa nila habang ang iba naman ay ginagawang industrial lands para sa interes ng mga negosyante.
Tanging sa pagputol lamang ng ugat na pinanggagalingan ng lahat ng problema natin tayo makakaahon. Matindi ang kalagayan ng sambayanan ngayon higit kailanman. Tuloy tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa at wala pa ring lupa ang mga magsasaka.
Sahod itaas, presyo ibaba! Ipatupad ang National Minimum Wage! Ibasura ang TRAIN Law! Ibagsak ang papet, pahirap at pasistang diktadura ng rehimeng US- Duterte na higit lamang na nagpasahol sa matagal nang hirap na kalagayan ng mamamayan! Ngayo'y ang mga kasalukuyang tibak natin ang mariing lumalaban para sa mga karapatang ipinagkakait sa atin. Ang umento sa sahod, libreng edukasyon sa mga state universities at pag regular sa iba nating mga manggagawa ay iilan lamang sa mga laban natin na naipanalo nila.
Hindi ang pananahimik o ang panghuhusga sa mga kapatid nating tibak ang makakatulong upang makalaya tayo mula sa panggigipit sa atin. Panahon na upang tayo ay mamulat, mangialam, at kumilos!