top of page

ISKOLIARIUM

Tasty, Palaman Kanin (at mga Pang-Langaw na Hinaing)

Writer's picture: Al-Zir Georges MalagaAl-Zir Georges Malaga

Ahh.

"Ma'am! Recess na po!", sigaw ng isang pabibong estudyante na minsan lang ako matuwa, at 'yun ay tuwing ipinapaalala niya na "kainan" na.


Napahiya ang matandang si Epifanio na sigurado akong alam niya na kanina pa tapos ang kan'yang klase dalawampung minuto na ang nakakalipas. Tumayo siya at nagpaalam na sa mga estudyante ng 4 — Gumamela. Sabay sabay naglabas ang mga mag-aaral ng mga pagkain—handa na akong mang-buraot sa mga lecheng maiingay na ito.


Sawang sawa na ako sa tae, kahapon pa 'yun e.


Pumasok ang kanilang adviser na si Ma'am Ditablan, hawak hawak ang tray na maraming laman na hindi ikabubusog ng mga mag-aaral niya. Alam kong alam niya 'yun. Pucha, sinong mabubusog sa mga kending mas mahal pa kay'sa sa vetsin o sa tsitsiryang napaglipasan na ng panahon. Umikot ang tray, at ang bawat estudyante ay sabik na sabik bumili dito, kaya ang mga nakaupo sa dulo, ay lilipat muna sa unahan para hindi maubos agad ang mga "best sellers". Marami din namang hindi tumayo, at 'yun ang biyayang pinag-kaloob sa akin, ang mga may baon. Pinagmasdan ko muna ang buong paligid na naging palengke sa loob ng isang minuto.


Unang nagbukas si Mheanne ng kan'yang baunan na kulay "hot pink" (kakulay ng underwear ng isa nilang guro sa Sibika) at bumungad sa katabi niyang si Princess Queen ang baon niyang malnourished lobster. Namangha ang kan'yang kaklase kaya naman kahit hindi sa kan'ya ang mumunting tanghalian ay ipinagmalaki niya ito sa mga ibang estudyante, "Katabi ko 'yan!"


Pero kasi, allergic ako sa seafoods.


Tingin ko naman p'wede ako sa baon ni Joselito Manuel. Inilabas niya ang kan'yang stainless steel na baunan, at mukhang marami siyang ulam na dala. Lumapit ang kan'yang matalik na kaibigan na si Don Lhester at natakpan ang aking minamasdan mula sa bintanang nanglilimahid malapit sa upuan ni Juniffer.


"Gago JM! 'Yan 'yung baon mo kahapon e!"

"Paking shet."


Paking shet. Kahit kailan talaga balahura ang batang 'yun.


Napa-irap na lamang ako sa katangahang taglay ng mga kabataan ngayon. Kung hindi lamang ako makikinabang sa kanilang mga putahe ay bakit ko pa ba sisikmurain ang maamoy ang kanilang mga nangangalit na singaw galing sa kanilang mga katawan, hindi ba?


Pinagmasdan kong umikot ang food tray ng klase't napansin kong bukayo at maanghang na sampalok na lang ang naiwang naka-buyangyang. Lumipad ang kaibigan kong si Alexander Jean (Jhaun) papalapit dito para mang-buraot. Sa inip ko'y dinayo ko na din ang pitong upuan na layo namin sa isa't isa, at kinausap si Alexander Jean (Jhaun), na kumikinang ang mga mata habang nag-lalaway sa kan'yang nasa harapan na bukayong sigurado akong malapit nang masira.


"Huy! Mukha kang tanga!", sigaw ko.

"Hey my man! You had your lunch today? I was just about to devour this boo-kah-yow."

"Wala pa akong napipiling may baon na masarap e..."

"Well that's gonna be real tough dude, especially with the inflation going on and the—AH, PUTANGINA!" Isang matabang kamay na may pinaka-maruruming kuko ang muntik nang pumisat sa aming dalawa na nagpalipad papalayo at nagpamura kay Alexander Jean (Jhaun).


Mabilis akong nakakatakas sa mga ganoong pangyayari kaya naman bago ko pa man maisip kung saan na ako napadpad ay nagulat na lamang ako nang malamang nasa bandang dulo na ako ng klase, kung saan tinatambak ang mga basurang dalawang buwan kung kuhanin ng mga basurero dito sa barangay na ito. Umaalingasaw ang kabahuan. Lumingon ako at nakita ko si Tulay Boy, na sa limang araw ng klase, minsanan pang maka-pasok ng tatlong araw. Alam kong hindi niya tunay na pangalan ang tawag ko o ng ibang tao sa kan'ya, pero walang nakaka-alam kung sino nga ba talaga ang batang ito, bukod sa iisa lang ang kan'yang uniporme, wala siyang sapatos pamasok 'di katulad ni Dominic na araw araw iba ang suot, at nakatira siya sa ilalim ng tulay.


Ngumiti si Tulay Boy sa akin. Bumungad ang mga ngipin niyang hindi 'ata alam na naimbento na ang sipilyo noong 1498 ng mga Tsino (sa pagkakaalam ko). Binuksan niya ang bag niyang may disenyong Hello Kitty ngunit Barbie® ang nakalagay na pangalan, at inilabas ang kan'yang baon sa araw na iyon na nakalagay sa isang plastik labong hindi tama ang pagkakabuhol. Gamit ang mga nanglilimahid na kanang kamay, nilabas niya ang isang tasty at nilapag sa kan'yang mesa, inaalok ako na para bang magkaibigan kami.


"Kain ka na o."


Nakatitig lang ako sa mga mata niya, hindi ko alam kung naka-singhot ba ito o talagang naka-iintindi siya ng mga hindi niya ka-uri. Ibinaba ko ang tingin ko sa tinapay na kan'yang inilapag at napamura ako sa sobrang pandidiri. Nakakakilabot, nakakasuka, kahit ako'y isang hamak na langaw lamang, hindi ko pa rin kayang patulan kung ano man ang inihain niya sa aking harapan.


"Ano 'yan?!" Pasigaw kong tanong.

"Tasty, palaman kanin. 'Yan lang ang kaya namin e, lalo na't mataas ang presyo ng mga bilihin ngayon."

"Paking shet."


[Itutuloy, 'pag wala nang korupsyon.]

58 views0 comments

Recent Posts

See All

Paano?

Sambayanang Pilipino, ngayon ay nahihilo. Sa nagtataasang presyo, tila wala nang mabibili sa piso. Mga nasa ilalim ng lipunan, lalong...

Comments


CONTACT

Your details were sent successfully!

  • White Facebook Icon
  • twitter

©2018 by Iskoliarium. Proudly created with Wix.com

bottom of page