Isang umaga na naman ang dumating at dala ko ang positibong pananaw ngayong araw. Ganado akong lumaban ngayong araw. Hindi ko alam kung bakit? Ani mo’y may sumapi sa aking positibong enerhiya. Talo mo pa ang mga energy drink sa lakas nang bisa ng pwersang ito.
Nag-handa ako. Inayos ko ang aking sarili at sasabihin ko sayo, medyo maayos naman ang itsura ko. Pwede na? Basta, sapat para mairaos ang araw na ‘to.
Haharapin ko na naman ang trapik sa EDSA, ang nakasusulasok na usok na mula sa mga sasakyan at ang mga busina ng mga kotse na naglipana. Pero okay lang, sanay na ako eh. Atsaka, hindi ko hahayaan na sirain lamang ng traffic ang aking araw. Hindi ako nag-ayos ngayon para mainis.
“Konting tiis pa…” Aking paulit-ulit na isinasambit sa aking sarili. Malapit lang naman ang aking pinapasukan. Pero umaabot ng dalawang oras ang aking biyahe dahil sa punyetang traffic na ito. Pero okay lang, hindi ba? Ganiyan tayong mga Pilipino eh, matiisin.
At sa wakas, sa dalawang oras na aking iginugol sa pag-byahe lamang, nakarating na rin ako sa aking pinapasukan. Isa nga pala akong cashier sa isang sikat na mall. Oo, kontraktwal lang ako pero at least, meron akong kinikita para may mapangkain araw-araw. Nagpapasalamat na lang siguro ako kasi walang nagtatangkang jowain ako kaya wala akong ibang sinusuportahan kundi ako at ang aking mga magulang.
Saktong-sakto lang ang aking kinikita. Minsan nga, wala ng perang natitira para sa aking mga luho. Pero okay lang yan, ganyan naman tayong mga Pilipino hindi ba? Tayo’y kuripot at matipid.
Tanghali na, oras na para ako naman ay magpahinga ng ilang minuto at kumain ng aking pananghalian. Nag-baon ako ng kanin ngunit wala akong baong ulam. Naghahanap ako ng pwedeng ulamin at biglang sumakit ang aking bulsa sa aking nakita. Ang mga ulam, nag-mahal na naman. Kahit ang mga gulay, mahal na rin. Napa-kamot na lang ako ng ulo. Binili ko na lang ang pinaka-murang ulam na aking nakita at humingi na lang ng sabaw.
Habang kumakain, nararamdaman kong unti-unting nawawala ang positibong enerhiya sa aking katawan. Nararamdaman ko na ang pagod ngunit hindi pa natatapos ang araw na ‘to. Saglit lang naman, akala ko ba lalaban ako? Bakit ganito na ang nararamdaman ko? Ikinain ko na lang aking pagod, baka sakaling maibsan nito ang aking nararamdaman.
Natapos na aking shift sa trabaho. Makakauwi na rin ako makakapag-pahinga. Habang naglalakad, nadaanan ko ulit ang karinderya na aking kinainan kanina. Narinig ko ang malakas na alingawngaw ng kanilang telebisyon. Ala-sais na; balita na ang ipinapalabas. Saglit akong tumigil upang manuod.
“Putangina.” ‘Yan ang aking unang narinig. Teka? Tama ba ako ng narinig?
Itinuon ko ang atensyon ko sa telebisyon. Parang hindi naman pwedeng manggaling sa kaniya ang mga salitang iyon?
“Putangina niyo, mga gago.” Ang kaniyang isinambit. Tama nga ako nang narinig.
Nang marinig ko ang mga salitang iyon, nag-pintig ang aking mga tenga. Ang dami-daming problema na kailangan masolusyonan. Araw-araw akong nag-tiis sa ganitong buhay at halos gumapang na sa lupa, mairaos lang ang araw-araw tapos maririnig ko lang iyon galing sa kaniya?
Ibinaba ko ang aking bag at dali-daling lumapit sa telebisyon. Kinuha ko ang remote at ipinatay ito. Nagulat ang mga kumakain sa karinderya.
“Miss? Bakit mo pinatay? Ang bastos mo naman.” Ang kanilang sigaw.
“Mas bastos ‘yang pinapakinggan niyo. Gumising nga kayo.” Ang aking tugon. Umalis ako ng karinderya.
At sa di malamang kadahilanan, biglang nanumbalik ang enerhiyang nawala sa aking katawan. Hindi ko maipaliwanag pero…
…putangina, masarap pala ang lumaban.
Comments