Tahan Na
- Aira Revilla
- Sep 20, 2018
- 2 min read
Ilang beses ko na bang nasaksihan ang iyong pag-iyak? Hindi ko na ata mabilang. Sa tagal ng ating pagsasama, ang dami na nating pinagdaanan. Ilang taon na tayong magkasama at maraming beses na rin kitang nasaksihang umiyak at sa ilang ulit na nangyari iyon, hindi kita mapatahan.
Maraming problema na ang nagdaan ngunit hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hindi ko kayang masulusyonan ang iyong pighati. Hindi ko magawang punan ang kulang sa iyong dibdib. Lahat, aking ginawa upang ika’y mapatahan ngunit parang lumalala pa ang nararamdaman mong sakit at mas lalong nadudurog ang aking puso sa bawat hikbi na iyong isinasambit.
Hindi ba ako sapat? Nandito ako para sayo, lumalaban. Nagpapakatatag at hindi pinapakitang nahihirapan. Ginagawa ko naman ang lahat para mapatahan ka, bakit hindi ko magawa? At ngayon, umiiyak ka na naman. Nagkapatong-patong na ang iyong problema. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin. Dapat pa ba akong lumaban? Dapat pa ba akong lumaban para sa ating dalawa?
Dumidilm ang paligid. Sumasabay ang panahon sa iyong nararamdaman. Kasabay nang pagtulo ng iyong luha ang pagbagsak ng ulan. Tila ba'y ang sakit ay nakimkim na at ngayon na lang nailabas. Naririnig ko ang iyong bawat hikbi na tila ba’y ikaw ay humihingi ng saklolo.
Humihingi ng saklolo sa kawalan…
Dahil kahit nandito na ako sa tabi mo, hindi ako ang iyong kailangan. Kahit kailan hindi kita magagawang pasayahin. Hindi ka magiging maayos hangga’t ako lang ang nandito sa tabi mo. Kailanman ay hindi ako magiging sapat dahil ang kailangan mo ay sila. Silang hindi nakikinig, silang walang habas na inaabuso ka, silang hindi marunong lumingon sa kanilang pinanggalingan at silang paulit-ulit ka na lang sinasaktan.
Sa bawat salita na kanilang sinasambit, unti-unti kang nasisira at nawawalan ng pag-asa. Halos hindi mo na makita ang liwanag na nagbibigay sa iyo ng lakas. Kadiliman ang unti-unting bumabalot sa iyong kaibuturan at hanggang ngayon ay hindi mo ito mapigilan.
Walang nakikinig, at patuloy kang magdudusa.
At ako lang ang nandito sa tabi mo ngayon at hindi iyon sapat.
Kaya sa panibagong umaga na ipagkakaloob ng Diyos, mas tatatagan ko pa ang loob ko. Hindi ako susuko at pipilitin kong sila ay makinig sa iyong pighati at pagdurusa. Lalakasan ko pa ang aking boses para marinig nila ang iyong kwento na pilit ikinukubli ng mga taong walang ginawa kundi ang saktan ka. Maririnig nila ang sigaw ng isang mamamayang nagmamahal sa kaniyang bayan.
At sisiguraduhin kong ngayon ay mapapatahan na kita aking Sinta.
Comentarios