Sa aking pinakamamahal,
Patawad.
Batid kong hanggang sa mga oras na ito, ikaw ay tumatangis. Hindi rin lingid sa aking kaalaman ang mga luhang laging tumutulo mula sa iyong mga mapupungay na mata. Alam mo, pareho tayo ng nararamdaman. Tila mahirap na talagang bitawan ang mabibigat na kaganapan sa atin mula pa noon. Hanggang saan ba ang hangganan ng ating mga pusong patuloy na sinasaktan? Hanggang sa anong henerasyon pa ba aabot ang kasadlakang dulot ng kahapon?
Nais kong maunawaan kung bakit paulit-ulit na lamang ang mga pangyayari. Nais ko ring maintindihan kung bakit mas pinipili naming maging tanga sa harap mismo ng iyong presensiya. Dekada na ang nakalilipas ngunit dala-dala mo pa rin ang mga sugat na kahit kailan ay hindi naghilom. Ang kasaysayan mong nayurakan hindi lamang ng mga dayuhan, pati na rin ng iyong mga anak; hanggang kailan masasadlak ang iyong pusong unti-unting nanlalamlam?
Minsan, napanghihinaan ako ng loob. Naliligaw kami sa sarili naming tirahan. Iilan na nga lang ang may tunay na malasakit sa iyo, sila pang pinagmumukhang kalaban. Napakayaman mo sa pagmamahal. Bakit hanggang ngayon mas pinipili mo pa rin sila kaysa sa iyong sarili? Hindi ka ba napapagod? Kahit araw-araw ang pag-agos ng ilog sa iyong mga mata?
Napakasakit isipin na hindi kami natututo. Ilang beses ka nang binaboy, pinahirapan, at tinapaktapakan pero walang nangyari.
Hanggang ngayon nakakulong ka sa isang kulungang walang kandado. Mga rehas na kailangan pang lagariin para lamang maipaabot ang nais na iparating. Nasasaktan ako sapagkat ang pagmamahal ko sa'yo ay tila nababalewala.
Patawarin mo ako kung ganito ang minsan kong nadarama. Ako mismo, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Basta ang alam ko, mahal na mahal kita. Kahit na minsan ay unti-unting humihina ang apoy na nag-aalab sa aking puso, alalahanin ko lamang ang dahilan kung bakit naniniwala ako sa iisang prinsipyo, lumalakas ang aking loob. Hindi lang ako ang naniniwala sa iisang prinsipyo, marami kami mahal ko. Ito marahil ang dahilan kung bakit ka patuloy na lumalaban; ang siyang dahilan kung bakit rin kami lumalaban.
Naniniwala ako na mararating natin ang liwanag. Hangga't may hangin kaming hinihinga, kami ang magsisilbi mong pag-asa. Marami pa ang maaari kong magawa dahil isa ako sa mga pinaghuhugutan mo ng lakas at ang edad ko'y mahaba pa ang lalakbayin. Kasabay ng mga paang may adhikain at layuning ibangon ka sa pagbagsak ay ang aming walang katapusang paniniwala na may magagawa pa.
Walang dahilan para kami ay sumuko mahal ko.
Ang mga katulad kong tapat sa iisang prinsipyo ay may kakayahan para mabago ang mga saradong pintuan ng mga asong naninirahan sa mga mansiyon. Ngunit paano kung sila mismo ay hindi bukas para sa pagbabago?
Patawad dahil patuloy ka nilang sinasaktan. Nagpapakain sa kanilang mga mahihinang damdamin na tuluyang lumalason sa kanilang mga isip. Walang ibang pinagtuunan kung hindi ang katapatan ng mamamayan sa kanila. Kampante sapagkat pakiramdam nila, nasa kanila ang huling halakhak. Mga desisyong hindi nabigyan ng karampatang pagsusuri bago inihain. Mga makabuluhang salita na hindi pinansin sapagkat pansariling interes ang nananaig.
Hindi ba dapat ikaw ang kanilang tinitingala? Bakit mas sinisilayan nila ang liwanag na dulot ng kasakiman kaysa sa liwanag ng iyong pagmamahal?
Patawad dahil mas mahal nila ang kanilang kapangyarihan kaysa sa aming kapangyarihan.
Sila mismo ang pumapatay sa atin mahal ko.
Alam kong hindi na bago sa'yo ang mga tinuran ko. Patawad dahil ang iyong mga anak na mismong bumubuhay sa iyo ang kinukutya, minamaliit, at tinatanggalan ng karapatan. Ang bawat sugat na dulot ng hinagpis ng iyong mga anak ang siyang nagpapahina sa pagtibok ng iyong puso.
Tama nga ang iyong anak na si Apolinario Mabini. Bata pa kami.
Wala mang kasiguraduhan sa panahon ngayon, iisa ang tanging makakapitan mo. Marami kaming tunay na nagmamahal sa'yo. Hinding-hindi ka namin susukuan, Perlas ng Silanganan.
Sumasaiyo,
Isang Sundalo
Comments