top of page

ISKOLIARIUM

Kung Nakakapagsalita Lamang Ang Mga Poste Ng Pundidong Ilaw Na Nakatayo Sa Kanto

Writer's picture: Analia BandilaAnalia Bandila

Paborito ko ang gabi.

Hindi ko alam ngunit sadyang nananabik ako sa paglubog ng araw.

Marahil ay sa kadahilanang napakaganda ng anyo nito,

At ang katotohanang gabi na at oras na naman para lumisan na ang mga anino.

Oras na para sa madilim na kapaligiran.

Oras na para sa mga hubad na katotohanan.

Ibang-iba ang gabi sa araw.

Iba-iba ang mga nasisilayan kong mukha at mga pananaw.

Ibang-iba sa kung sino sila sa liwanag,

At kung ano sila tuwing gabi ay siyang lalatag.


Hindi ko mawari kung may kinalaman ba ang gabi rito,

O sadyang malas lang ang gabi dahil mas madalas niyang nalalasap ang ganito?

Ngunit hindi naman nag-iisa ang gabi sa pag-iinda sa mga ganitong tanawin.

‘Pagkat narito ako na siya ring nakatingin.

Nakatingin.

Nakatanaw.

Nakamasid.

Sa mga halimaw na nagbabalat kayo bilang tao.

Sa mga biktimang masa na hindi alam kung bakit nila dinaranas ang ganito.

Sa umaga ay napakarangal nila,

Ngunit pagsapit ng gabi’y umaalingawngaw ang putok ng karahasan nila.

Kung kailan ang lahat ay nagpapahinga at natutulog na,

Tila ba ang karapatang-pantao’y biglang nawawala at natutulog na rin sa pagsapit ng gabi.


Hindi ko mawari kung may kinalaman ba ang gabi rito,

O sadyang sa mga oras na ito ay mas madali lamang na kalabitin ang gatilyo?

Kung sabagay, kakaunti na lamang ang mga tao sa oras na ito.

Kakaunti na lamang ang mag-aalinlangan.

Kakaunti na lamang ang mag-uusisa.

Kakaunti na lamang ang makakakita.

Sa katotohanang nanglaban ang masa,

Lumaban para sa kakaunti pang hangin na lalanghapin sana,

Lumaban para sa karapatan na hahanapin pa ‘pagkat nasaan na?

Nasaan na nga ba?

Ah! Oo nga pala.

Naroon sa gilid.

Isiniksik.

Ipinosas.

Itinali.

Inapi.

Inapi nang walang tigil hanggat kusa ng tumigil.

Tumigil na sa paghinga pagka’t hindi na kinaya,

‘Pagkat ikinasa na at,

Bang!

Umalingawngaw na sa gitna ng dilim ang isa na namang kwento ng karahasan

Na sa gabi mo lamang makikita ang hubad na kaanyuan.


Hindi ko alam kung may kinalaman ba ang gabi rito?

O sadyang pagdating ng umaga, ay iba na ang takbo ng kwento?

Hindi ko alam kung mali ba ang natunghayan ko?

O sadyang iba talaga ang nararapat na ikuwento?

Ah! Oo nga pala.

Umaga na nga pala.

At ang mga halimaw ay tao ng muli.

Mararangal at pinoprotektahan ang sambayanan.

Walang kasalanan at bagkus ay dapat parangalan.

Marahil ay kailangan ko muling hintayin ang pagsapit ng gabi.


Kung nakakapagsalita lamang ang mga poste ng pundidong ilaw na nakatayo sa kanto,

Marahil ay tumatangis ito sa nasasaksihan sapagka’t gabi na at walang mga anino.

Marahil ay tumatangis ito sa nasasaksihan sapagka’t umaga na at iba na ang daloy ng kwento.

13 views0 comments

Recent Posts

See All

Paano?

Sambayanang Pilipino, ngayon ay nahihilo. Sa nagtataasang presyo, tila wala nang mabibili sa piso. Mga nasa ilalim ng lipunan, lalong...

Bình luận


CONTACT

Your details were sent successfully!

  • White Facebook Icon
  • twitter

©2018 by Iskoliarium. Proudly created with Wix.com

bottom of page