Minsan ay ninais kong mapasama o mapabilang sa isang akademikong organisasyon sa aming Unibersidad na naglalayon na maghasa ng mga mag-aaral sa larangan ng pagsasalita at pakikipagtalastasan. Hindi man mataas ang tiwala sa sarili na ako’y tatanggapin, nahanap ko na lamang ang aking katawang lupa na nasa harap na ng tatlong miyembro ng organisasyon.
“Miss, uulitin ko ang tanong. Ano ba para sa’yo ang katangian ng isang magaling na pangulo?”
Bumalik ang aking diwa, at naalala kong nasa interview nga pala ako. Ipinaulit ko ang tanong sa kausap ko at halata naman sa mga kunot sa mukha niya na nayayamot na siyang kausap ang tulad ko.
“Ano para sa’yo ang katangian ng isang magaling na pangulo? Dahil sa sinabi mo nga na hindi mo gusto ang pangulo natin ngayon, at wala ka namang mabanggit na pangalan sa mga nakaraang naging president na maari mong mapaburan.”
“Iyong may pakialam ho siguro sa mamamayang Pilipino.” Sagot ko na mababakasan mo pa ng hindi kasiguraduhan at pag-aalinlangan. Nakita kong kumunot na naman ang mukha niya at tahimik lamang ang mga kapwa miyembro niya na katabi lamang niya.
“Sigurado ka? May pakialam si Duterte sa mga mamamayan niya kaya nga niya sinimulan iyang drug on war niya, para mapuksa ang mga adik, para mas maging ligtas ang mga tao.”
Marahil sa labis labis na kaba ay hindi ko na maalala ang isinagot ko basta ang alam ko na lamang ay wala akong natanggap na tawag sa kanila simula ng sinabi niyang tatawagan na lamang ako kung nakapasa ba ako. At ngayon, katulad ng lagi kong ginagawa, pinag-iisipan ko ang mga sagot na pinag-isipang mabuti na dapat ay isinagot ko. Marami akong napagtanto sa interview na iyon. Kasama na roon ang katotohanang kailangan kong ayusin ang sarili ko at magtiwala sa aking kakayahan at siyempre ang katotohanang mali siya.
Napagtanto kong mali siya. Hindi totoong may pakialam si Duterte sa mamamayan niya. Maaring totoo na kaya niya sinimulan ang drug on war niya ay para mapuksa ang mga adik at para mas maging ligtas tayo. Ngunit mali siya. Dahil ang sabi ko’y iyong may pakialam sa mamamayang Pilipino.
At ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipino, ay iyong mga mamayang nasa bawat pulo at lungsod ng arkipelagong ito.
Ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipino ay iyong halos 100 sibilyan at mga personel ng gobyerno na namatay at libong mga mamamayan ng Marawi na naalis sa kanilang lugar para sa kanilang kapakanan at kaligtasan. Ang lahat ng ito ay nangyari dahil sa Marawi siege na hindi napagtuonan ng maayos ng administrayong Duterte.
Ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipno ay iyong lahat ng naapektuhan at patuloy na naaapektuhan ng kaniyang Martial Law sa Mindanao. Ang mga Lumads ay isang pambansang minorya na karamihan ay nakatira sa Mindanao. At isa ang mga Lumads sa labis na naapektuhan ng Martial Law. Ang militarisasyon sa kanayunan ay nagdudulot sa kanila ng labis na karahasan. Ang mga lupang ninuno ay pilit na inaagaw at inaangkin. Ang mga paaralan nama’y kung hindi pasasabugin ay ipinasasara. Ang mga lider ng mga iba’t ibang tribo ay dinadakip at pinapatay. Ang mga magulang ng mga batang Lumads ay dinadakip at pinapatay. Ang mga guro na nagbibigay pag-asa sana ay pinapatay, sa harap mismo ng kaniyang mga estudyante. Ang mga estudyante ay binabantaan upang hindi ituloy ang pag-aaral. Upang ang kanilang mga utak ay hindi masidlan ng mga kaalaman. At ng tuluyan masupil ang kanilang kamalayan.
Ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipino ay iyong mga libo libong biktima ng drug war at extrajudicial killings na halos lahat ay mga mamamayang nasa laylayan na parte ng lipunan. Mga biktimang hanggang ngayon ay walang nalalasap na hustisya bagkus ang istatistika ay patuloy na umaarangkada.
Ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipino ay iyong mga binastos, ipinahiya at nilait niya dahil lamang sa siya ay “mapagbiro” at hindi dapat na sineseryoso ika nga ni Spokesperson Harry Roque. Ang mga kababaihang ngayon ay dumadanas ng diskriminasyon na lalo pa niyang pinatindi dahil nga sa “maraming magagandang babae kaya maraming rape,” at iba pang mga misoginistang pahayag.
Ang mga tinutukoy kong mamayang Pilipino ay iyong mga naghihirap at lalo pang naghihirap. Iyong mga magsasaka na nagtatanim ng pagkain ng buong bansa ngunit sa kanilang sariling hapagkainan ay walang maihanda. Iyong mga manggaggawa na kontraktwal at mas mababa pa ang sahod sa pinababa na ngang minimum wage.
Ang mga tinutukoy kong mamayang Pilipino ay iyong mga nangangamba na wala ng makapagtatanggol at mangagalaga pa sa kanilang karapatang-pantao ‘pagkat ang Chief Justice ay kaniyang ipinatalsik at ang Commission on Human Rights ay nilaanan lamang ng ₱1,000.
Ang mga tinutukoy kong mamamayang Pilipino ay iyong mga piniringan ang mata, tinakpan ang tainga at binusalan ang mga bibig. Ang mga Pilipinong nanatiling bulag, bingi at pipi sa katotohanan.
Sapagkat ang tinutukoy kong mamamayang Pilipino ay bawat isang Pilipino na patuloy na nakikibaka at lumalaban. Ang mga mamamayang pilit na nilalabanan ang pasistang rehimeng ito. Lahat tayo. Lahat ng mamamayang Pilipino at hind iilan lamang. Kailanman ay hindi dapat iilan lamang.
Comments